Hindi bababa sa 10 katao na sangkot umano sa isang investment scam ang naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa Pasig City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing sinalakay ng mga tauhan ng NBI-Anti Fraud Division ang opisina ng Massdrop Marketing nang makatanggap ng hudyat mula sa kanilang undercover agent.
Kabilang sa mga naaresto ang sinasabing may-ari ng kompanya na si Edgar Joseph Tan.
Inabutan din sa opisina ang mga nagsisiksikang tao na kukuha ng "payout" at mag-i-invest sa kompanya.
Ayon sa NBI, tumatanggap umano ng grupo ng investment o puhunan na mula P1,000 hanggang P10 milyon na ang kapalit umano ay malaking interes o tubo.
Pero wala raw kaukulang dokumento o lisensiya ang kompanya para gawin ito.
Bukod sa mga karaniwang manggawa, naengganyo rin daw at nabiktima ang ilang celebrity at social media influencers na hindi na pinangalanan ng NBI.
Sinubukan na kunan ng pahayag ang mga inaresto pero hindi sila nagbigay ng pahayag, ayon sa ulat.
Gayunman, nanindigan umano ang mga ito na lehitimo ang kanilang negosyo.
Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang mga suspek kabilang na ang paglabag sa e-Commerce Act at syndicated estafa.--FRJ, GMA News