Bukod sa Metro Manila, isinailalim din sa mas mahigpit na enhanced community quarantine ang Laguna, Cagayan de Oro at Iloilo City simula sa Agosto 6 hanggang 15, 2021 para mapigilan ang pagsipang muli ng COVID-19 cases dahil sa mas nakahahawang Delta variant.
Sa isang pahayag, sinabi presidential spokesperson Harry Roque na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na isailalim sa ECQ ang nabanggit na dalawang lalawigan at isang lungsod.
Samantala, ang Cavite, Lucena City, Rizal at Iloilo Province, ay isinailalim naman sa modified ECQ.
Ang Batangas at Quezon, pasok naman sa general community quarantine with heightened restrictions sa nabanggit ding panahon.
Nauna nang isinailalim ang Metro Manila sa ECQ na simula sa Agosto 6 na tatagal hanggang Agosto 20, 2021.
Nauna nang tiniyak ng Palasyo na makatatanggap ng ayudang pinansiyal ang mga pamilyang maapektuhan ang kabuhayan dahil sa lockdown.
Nitong Huwebes, iniulat ng Department of Health na nadagdagan ng 116 ang mga bagong kaso ng Delta coronavirus variant. Dahil dito, 331 na ang kumpirmadong kaso ng naturang virus variant sa bansa. --FRJ, GMA News