Inihayag ng Malacañang nitong Huwebes na hindi alam ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakabalik sa trabaho ang 43 na opisyal ng Bureau of Immigration na nasangkot sa “pastillas" scheme o modus ng pagtanggap ng pera para makapasok sa bansa ang mga dayuhang walang sapat na dokumento.
Ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos kumpirmahin ni Justice Secretary Menardo na balik-trabaho at hindi nasibak ang 43 na opisyal na una lang sinuspindi parang isinasagawa ang imbestigasyon sa “pastillas" scheme.
“Their six-month preventive suspension has lapsed. They have reported for work at the main office, not at their previous assignments in the airport terminals. Those who were under job order arrangements have been terminated,” ani Guevarra.
“The Office of the Ombudsman and the Department of Justice are winding up their investigations,” dagdag ng kalihim.
Sa nakarang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte nitong Lunes, sinabi ng Punong Ehekutibo na sinibak na ang naturang 43 opisyal ng BI.
“Siguro po, obvious ang sagot, hindi po siguro alam ni Presidente, hindi pa sila nasisisante. Ang alam lang niya, nasuspinde,” ani Roque.
“Pero siguro po ang epekto ng kaniyang mga binitawang salita, iyan po ay mandato sa DOJ, sa BID gawin ninyo ang lahat para masisante iyan sa lalong mabilis na panahon,” dagdag niya.
Ayon pa Roque, hindi katanggap-tanggap ang masangkot sa pastillas scheme.
“Kinakailangan po talaga sibakin sila," giit ng tagapagsalita ng pangulo.
Ang Immigration bureau ay nasa ilalim ng pamamahala ng Justice department.—FRJ, GMA News