Isang mag-asawa ang nag-mabuting loob na damitan at pakainin ang isang lalaking walang saplot at pagala-gala sa harap ng Caloocan Sports Complex.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras Weekend,” Linggo, ikinuwento ni Lorie Jane Adop at Wilfredo Aquino na ginawa nila ito matapos makita na pinagtatawanan ang lalaki.

“May napansin po kaming mga tao na tinatawanan siya tapos sabi ni [Wilfredo], ‘bilhan natin ng damit,’” sabi ni Lorie Jane.

Ayon kay Lorie Jane, nakisabay na rin magbigay ng donasyon ang pinagbilhan nila.

“Sabi niya ‘ibibigay niyo po ba ‘yan sa lalaki? Pasabay na rin po kami.’ Tapos sinabihan ko yung asawa ko na bilhan niya rin po ng pagkain,” dagdag niya.

Nang iabot ni Wilfredo ang pagkain na dala, agad daw itong binuksan ng lalaki.

“Uminom siya. Inalok pa nga niya ako eh ta’s aalis na siya eh wala pa siyang damit. Sabi ko ‘Tay, ‘wag ka munang umalis. Suotan pa kita,’” kwento ni Wilfredo.

“Tapos yumuko siya. Parang anak ko na dinadamitan,” dagdag niya nang nakangiti.

Kinuhanan ni Lorie Jane ang mga pangyayari upang ipakita na siya ay natuwa sa mabuting asal ng kanyang asawa. Ayon sa kanila, hindi nila inasahan na ito’y tatangkilikin ng publiko.

Matapos mag-viral ang post, may nagpadala ng mensahe si Mercedita Gargarita kay Lorie Jane na isang kaanak umano ng lalaking kanilang tinulungan.

Ayon kay Mercedita, naniniwala sila na ang lalaki sa viral post nila Lorie Jane ay si Mariano Torres na mahigit isang taon na nilang hinahanap.

“May sakit po sa isip, naglalayas-layas. Dati naman umuuwi, ngayon hindi na umuwi. Siya talaga,” saad ni Mercedita.

Binalikan ni Wilfredo ang lalaki kasama ang GMA News ngunit hindi na ito naabutan. Nag-punta na rin sila Mercedita sa barangay upang makipag-ugnayan.

Panawagan nila sa publiko ay kung may makakita sa lalaki, agad ipagbigay alam sa kanila o sa mga awtoridad. — Franchesca Viernes/BM, GMA News