Ipade-deport ang isang lalaking French national na wanted sa France dahil sa mga kaso ng pang-aabuso umano sa mga menor de edad at iba pang krimen matapos siyang maaresto sa Antipolo City.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang dahan-dahang pagtulak ng National Bureau of Investigation (NBI)-Fugitive Search Unit sa target na bahay sa nasabing siyudad, saka sila lumusob nang makuha ang timbre ng kanilang impormante.

Kinilala ang suspek na French national na si Pascal Didier Gillot, 54 taong gulang, na hinuli habang nagbubukas ng tindahan.

Nagtangka pang pumasok ng tindahan ang suspek, pero mabilis siyang pinigilan ng mga ahente.

Sinabi ng Bureau of Immigration na dati nang nakulong si Gillot at wanted sa France dahil sa kasong pang-aabuso sa mga menor de edad at iba pang krimen.

Mula France, nagpunta si Gillot sa Amsterdam, Thailand, hanggang sa magtago na sa Pilipinas noong 2019.

"The request stemmed from our French counterparts, informing us that the subject has an outstanding warrant of arrest in France for rape cases of children. We immediately deployed FSU agents to conduct surveillance and casing operations. We finally located him in Antipolo City after days of stake out," sabi ni Rendel Ryan Sy, OIC ng Bureau of Immigration -  Fugitive Search Unit (FSU).

Hindi na nagbigay ng pahayag ang dayuhan, na dinala sa detention center ng immigration sa Bicutan.

Pinoproseso na ang kaniyang deportation pabalik ng France.--Jamil Santos/FRJ, GMA News