May isisiwalat umano si Senador Manny Pacquiao kaugnay sa alegasyon ng mga katiwalian sa gobyerno, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Sa panayam sa radyo nitong Biyernes, sinabi ni Lacson na kinausap sila ni Senate President Vicente Sotto III ni Pacquiao nitong Huwebes, kaugnay sa pinaplanong pagsisiwalat sa umano'y katiwalian sa gobyerno.
Plano umano ni Pacquiao na pasabugin ang "bomba" bago siya umalis patungong Amerika para paghandaan ang laban kay Errol Spence Jr. na gaganapin sa Agosto.
“Sabi niya ‘Alam mo boss, marami akong balak.’ Sabi ko ‘pero medyo tingnan mo ring mabuti kung ano yung hinahawakan mo, mahirap na baka mapasukan ka ng fake na ebidensya o dokumento, ang balik niyan sa'yo matindi,’” sabi ni Lacson na payo raw niya kay Pacquiao.
“‘Kung sakali namang meron, mas magandang pag-aralan munang mabuti.’ Mukhang desidido siya, sabi niya nga 'talagang kompleto ako, hindi ako magsasalita nang wala,’” dagdag ni Lacson.
Ayon pa sa senador, mayroon umanong hawak na dokumento si Pacquiao na nagpapakita raw ng katiwalian na sangkot ang mga matataas na opisyal.
“Sabi niya, 'Bago ako umalis ng Sabado, mayroon akong ibabahagi sa mga media,'” ani Lacson tungkol sa plano ni Pacquiao.
Kamakailan lang, tinanggap ni Pacquiao ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na patunayan ang alegasyon ng katiwalian sa kaniyang administrasyon.
Umaasa naman si Lacson na hindi mauuwi sa personalan ang sigalot nina Pacquiao at Duterte.
"’Pag ‘yung magkaibigan matalik tapos medyo nagkakapikunan, nagkakabangayan, nakakalungkot yung pangitain. ‘Di magandang tingnan at mararamdan mo yung parang falling out na nangyayari,” ani Lacson.--FRJ, GMA News