Patuloy na iniisip ng isang ginang kung ano na ang nangyari sa kaniyang mister na dinukot ng mga armadong lalaki noong Pebrero sa Quezon City. Ang kasama ng kaniyang mister na dinukot din, nakitang patay at nakabalot sa lambat tatlong araw matapos silang mawala.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang nawawalang mister na si Rafael Kwe, 38-anyos.

Isang 23-anyos na tattoo artist naman ang kasama niyang dinukot noong Pebrero 16 sa labas ng isang convenience store sa Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City.

Tatlong araw matapos mangyari ang pagdukot [Pebrero 19], nakita ang bangkay ng tattoo artist na may saksak sa katawan at nakabalot sa lambat sa baybayin ng Laguna de Bay.

Dalawang araw [Pebrero 18] naman matapos na dukutin ang dalawa sa Quezon City, isa pang kaibigan ng tattoo artist ang kinuha rin ng mga armadong lalaki sa Pasay City.

Hindi nabanggit sa ulat kung ano ang sinapit ng lalaki.

Naniniwala ang kaanak ni Kwe na konektado ang insidente.

"Hindi niyo alam 'yong sakit at hirap na pinaranas niyo sa amin. 'Yong mga anak ko, nagkakasakit. 'Yong mga anak ko, nagbabagsakan na sa eskwelahan," ayon sa asawa ni  Kwe.

Ipinaalam daw nila sa Quezon City Police District ang nangyari pero wala pa silang natatanggap na bagong impormasyon mula sa pulisya.

"May ongoing case 'yan. Ang violation lang po ng asawa ko, no helmet and no license," aniya.

Sa kabila ng pinagdadaanan, napag-alaman din na nakapaglabas ng mahigit P350,000 ang pamilya sa mga taong nagpapakilala na hawak nila ang kaniyang mister.

"'Kapag hindi ka nagpadala, ipapadala ko ang daliri ng asawa mo,' 'Kapag hindi ka nagpadala ng P30,000, ipapadala ko 'yong ulo ng asawa mo,'" sabi ng ginang.

"Kahit wala kaming pera, kulang na lang ibenta ko ang sarili ko," umiiyak niyang pahayag.

Plano ng ginang na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation para sa kaso ng kaniyang mister.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng pulisya tungkol sa mga taong nawawala.--FRJ, GMA News