"Consider me as a candidate for (the) vice presidency." Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati nang pasinayaan ng LRT2 East Extension Project nitong Huwebes.

Paliwanag ng pangulo, ang pagposisyon niya bilang kandidato sa 2022 elections ay para hindi siya maging "lameduck" president.

"Alam mo 'yun... as a lame duck, posturing 'yan. Political posturing so that they will not treat you badly," paliwanag ng pangulo.

β€œTo maintain the equilibrium, consider me as a candidate for (the) vice presidency,” dagdag niya.

Sa larangan ng pulitika, tinatawag na "lame duck" ang isang pangulo na matatapos na ang termino at unti-unti na ring humihina ang kaniyang impluwensiya.

Sa isang talumpati niya noong Marso, aminado si Duterte na malapit na siyang maging lame duck president habang papalapit na sa isang taon na lang ang nalalabing termino niya sa Palasyo.

Tila pinaghahandaan na rin ni Duterte sakaling tumakbo siya at manalong bise presidente at hindi niya kasama sa partido ang mananalong pangulo.

"Ngayon kung tatako ako Vice President, manalo ako, kung hindi ko kaalyado ang Presidente, all I have to do is to join the military and the police in the fight against crime, drugs and criminality," pahayag niya.

"Also maybe go around Asean countries for a more cohesive relations between them," patuloy niya.

Ilang kapartido ni Duterte sa PDP-Laban ang naghihikayat sa kaniyang tumakbong vice president sa 2022 elections, at bibigyan din siya ng kapangyarihan na pumili ng magiging kandidatong pangulo.β€”FRJ, GMA News