Dapat umalis muna sa kanilang partidong PDP-Laban si Senador Manny Pacquiao bago niya batikusin si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ginawa ni Cusi ang pahayag nitong Martes, makaraang hamunin ni Duterte si Pacquiao nitong Lunes ng gabi na patunayan ang alegasyon ng katiwalian sa ilang sangay ng kaniyang pamahalaan.
“Well, it’s really unfortunate that the acting president of the party is accusing the chairman—who is the President of the country—of those things, that Senator Pacquiao said openly,” sabi ni Cusi sa panayam sa ANC.
Si Duterte ang tumatayong chairman ng PDP-Laban, habang acting president naman si Pacquiao, at vice chairman si Cusi.
“If you don’t like your house… if you don’t like the company you’re working for, don’t say something about it. Lumayas ka muna, bago mo sunugin ang bahay mo,” dagdag ni Cusi.
Una rito, sinabi ni Pacquiao sa isang panayam na patuloy na may nagaganap na katiwalian sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Minsan na ring pinuna ni Pacquiao at sinabing "nakukulangan" siya sa paninindigan ni Duterte sa usapin ng West Philippine Sea.
Ayon kay Cusi, nagkaroon ng problema sa grupo niya at ni Pacquiao sa PDP-Laban noong December 2020 sa isang thanksgiving party na inorganisa ng ilang opisyal ng partido.
Kabilang sa mga imbitado sina Duterte at Cusi pero hindi sila nakadalo.
Sinabi ni Cusi, na nagulat sila nang magkaroon ng pagbabago sa liderato at naging pangulo na ng partido si Pacquiao.
Bagaman wala naman daw silang tutol sa bagong liderato, humingi pa rin sila ng paliwanag kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, dating PDP-Laban president at ngayon ay executive vice chairman.
Paliwanag umano ni Pimentel, nais lamang nilang bigyan ng "exposure" si Pacquiao bilang paghahanda sa plano nito sa 2022.
“Senator Koko explained to us that, you know, to give Senator Manny exposure because I believe he has plans to run for higher office,” ani Cusi.
Dagdag pa ng opisyal, sinikap nilang makausap si Pacquiao pero hindi nangyari. Maaari umanong naayos ang anumang gusot nang nangyari ang kanilang pagpupulong.
Sa nasabing panayam sa ANC, sinabi ni Cusi na suportado ng PDP-Laban ang tambalan nina Senador Bong Go at Duterte sa May 2022 national elections.
Itinanggi naman ni Cusi na plano nilang alisin si Pacquiao sa pagiging presidente ng PDP-Laban sa pulong na gagawin sa July 17.
Ipauubaya raw nila sa mga miyembro ng partido ang usapin sa liderato.
“That [ousting Pacquiao] is not in my agenda. The agenda that we are having is all party matters but I don’t know how the membership, the council [will decide on it],” giit niya.
“If Manny Pacquiao is already attacking the President, then I would say he is not supporting the President. Maybe his group is not supporting the President but this will be decided on the assembly. But I believe we should meet once and for all to settle this issue,” dagdag ni Cusi.
Nauna nang sinabi nina Pimentel at Pacquiao na hindi sila dadalo sa naturang pagpupulong.--FRJ, GMA News