Pumanaw na ang dating pangulo na si Benigno "Noynoy" Aquino III sa edad na 61 nitong Huwebes, ayon sa ulat ng Super Radyo DZBB.
Si Aquino, na anak ng dating Pangulong Corazon "Cory" Aquino at senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr., ay isinugod sa Capitol Medical Center sa Quezon City kaninang umaga, base sa mga ulat.
Dumating naman ang kaniyang kapatid na si Kris Aquino sa ospital bandang 9 ng umaga.
Nakita rin sa ospital sina dating Foreign Affairs Secretary Jose Rene Almendras at dating senador na si Mar Roxas, na kapartido ni Aquino sa Liberal Party.
"It's a sad day," saad sa tweet ng dating kongresita na si Erin Tañada, miyembro rin ng LP.
"Heart breaking" ang sabi naman sa post ni Malabon Mayor Lenlen Oreta, pinsan ni Aquino, matapos iulat ang pagpanaw ng dating presidente.
Disyembre 2019 nang maratay sa Makati Medical Center si Aquino, bagama't hindi idinetalye ang dahilan ng kaniyang pagkakaospital.
Bago maging presidente noong 2010, naging miyembro si Aquino ng Kamara de Representantes at Senado.
Inihayag ng Malacañang ang pakikiramay nito sa pamilya Aquino.
“A moment of silence and prayer for former President Benigno Aquino III. We condole with the family of the former President over his untimely demise,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque.
“We are grateful for his contribution and services to the country. We ask the people to offer a prayer for the eternal repose of the soul of former Chief Executive. Rest in peace, Mr. President,” dagdag ni Roque.
Nakiramay din si Vice President Leni Robredo, na itinuturing na mabuting kaibigan at tapat na pangulo si Noynoy.
“Nakakadurog ng puso ang balitang wala na si PNoy. Mabuti siyang kaibigan at tapat na Pangulo,” saad ni Robredo sa isang pahayag.
“Nakikiramay ako sa kanyang pamilya,” dagdag ni Robredo.
“He tried to do what was right, even when it was not popular. Tahimik at walang pagod siyang nagtrabaho para makatulong sa marami,” ayon pa kay Robredo.
'Daang Matuwid'
Inanunsyo ni Aquino ang kaniyang pagtakbo sa pagka-presidente sa 2010 elections noong Setyembre 2009, ilang linggo matapos pumanaw ang kaniyang inang si Cory — na isang icon ng demokrasya na naupo sa Malacañang matapos ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Nakilala ang administrasyon ni Aquino sa tawag na “Daang Matuwid,” na kaniyang naging adbokasiya para sa malinis na pamamahala.
Ang “No Wang-Wang” [o bawal ang mga sirena sa sasakyan] ay isa sa mga unang polisiya na ipinatupad ni Aquino matapos siyang maluklok sa pagkapresidente.
Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, ipinatupad ang K-12 education program at ang kontrobersiyal na Reproductive Health Law.
Sa kaniya ring administrasyon dinala ng Pilipinas sa The Hague ang usapin sa agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea laban sa China.
Nakamit ng Pilipinas ang isang makasaysayang tagumpay laban sa China nang katigan ng arbitration court ang posisyon ng Manila kaugnay sa labis na pag-aangkin ng Beijing sa halos buong bahagi ng South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea.
Bago maupo sa pinakamataas na posisyon sa Pilipinas noong 2010, nanilbihan si Aquino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Tarlac sa Kamara mula 1998 hanggang 2007. Kasunod ay naging senador siya mula 2007 hanggang 2010, nang tumakbo at manalo na siyang presidente.
Nasa half-mast ang watawat sa Senado, na nagpapakita ng pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulo.--FRJ, GMA News