Iniligtas ang 15 babaeng masahista na nag-aalok ng "extra service" kapalit ng dagdag bayad sa isang high-end spa sa Quezon City.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita ang paspasang pagpasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division sa naturang establisyimento.
Inabutan ng mga awtoridad ang limang parokyano sa mga VIP room habang sinagip ang 15 babaeng masahista sa operasyon.
May ginagawa umanong gimik ang mga masseuse para dumami ang kanilang parokyano.
"Meron tayong pandemic, nagkaroon ng promo itong spa, ibinaba nila 'yung presyo ng services nila, for members only, so hahanapan ka nila ng membership ID, may particular na hinihingi sila sa customers," sabi ni Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI Anti-Human Trafficking Division.
Karamihan sa mga babaeng masahista ay nanggaling sa mga bar, hotel at iba pang nagsarang establisyimento dahil sa pandemya.
Natagpuan din ng NBI ang flyers sa spa na nagre-recruit ng mga bagong masahista.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga inaresto, na nahaharap sa kasong human trafficking, habang isasagawa ang turn over sa DSWD ang mga nasagip na kababaihan. —Jamil Santos/LBG, GMA News