Umakyat sa 1,087,885 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos na madagdagan ng 7,733 ang mga bagong dinapuan ng virus. Ang mga gumaling, sumampa naman sa mahigit isang milyon.
Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes, nakasaad na 1,003,160 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa virus. Ito ay makaraang maitala na mayroong 4,227 na mga pasyente ang naging matagumpay ang laban sa virus.
Gayunman, mayroong 108 na pasyente ang nadagdag sa mga pumanaw para sa kabuuang bilang na 18,099.
Mayroon namang 66,626 na aktibong kaso kung saan 94.4% ang "mild," 2% ang "asymptomatic," 1.5% ang "severe," 1.1% ang "critical," at 0.98% ang "moderate."
Mayroon ding 64 cases na dating nailagay sa listahan ng mga gumaling ang inilipat sa talaan ng mga pumanaw.—FRJ, GMA News