Hinuli ang nasa 200 katao na lumabag sa curfew at health protocols sa Ermita, Maynila kabilang ang isang dayuhan na nagpumiglas at pinagmumura pa ang mga awtoridad.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, nakatakda sanang manghuli lang ng mga hindi nakasuot ng face mask at face shield ang Ermita Police nitong Huwebes ng gabi.
Pero nang sitahin sa kalsada ang isang grupo, pumasok ang mga ito sa isang establisyemento kaya sinundan sila ng mga pulis sa loob.
Pagpasok ng mga awtoridad, nakita ang mga nag-iinumang banyagang lalaki at mga Pinay sa kabila ng curfew.
Hindi rin nila inoobserbahan ang social distancing, at wala rin silang mga face mask at face shield sa kanilang pakikipag-inuman.
Walang humarap na manager ng establisyemento.
Nasa 20 sa kanila ang dinampot para maidokumento, pero nahirapan ang pulisya sa isang dayuhang customer na una na nilang nasita at hindi nila mapakiusapang sumama.
Sa gitna ng interview kay Police Lieutenant Colonel Evangeline Cayaban, commander ng Ermita Police, sumigaw pa ng mura ang banyaga na nasa gilid noon ng GMA News.
Dinala ang banyaga at iba pang mga dinampot sa plaza kasama ang iba pang nahuling lumabag sa curfew at hindi pagsusuot ng face mask at face shield.
Ang pag-aresto sa kanila ay alinsunod na rin mismo sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.—AOL, GMA News