Aabot sa 40 baboy ang namatay matapos tumagilid ang sinasakyang truck sa Road 10 sa Navotas, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kanya-kanyang kuha naman ng baboy ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar.
Aabot daw sa 160 baboy ang karga ng truck. Agad namang naialis ang mga buhay na baboy sa lugar para dalhin sa katayan o slaughterhouse.
Bagama't may isang nagbabantay, wala na raw siyang nagawa nang dumugin ng mga residente ang mga patay na baboy. Yung ibang residente, doon na mismo sa lugar tinadtad at pinaghatian ang baboy.
Ayon sa mga residente, wala namang sumaway sa kanila. Kakainin daw nila ang mga baboy dahil hindi naman namatay sa sakit ang mga ito.
Ayon naman sa isang beterinaryo, maituturing nang "hot meat" ang mga namatay na baboy at hindi na maaaring ibenta.
Pinayuhan ng beterinaryo ang mga residente na mag-ingat sa pagkain ng kinuhang baboy. —KBK, GMA News