Hindi pinatawad ng scammer ang perang donasyon na aabot sa P15,000 na nalikom sa pamamagitan ng social media ng isang anak para maipagamot ang kaniyang amang maysakit.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Jayvee Buracan na humingi siya ng tulong sa netizens para makalikom ng perang pampagamot sa ama niyang si Ernesto na maysakit sa puso.
"Hindi po talaga sapat sa pang-araw-araw at tsaka sa pambili po ng gamot ng tatay ko (kaya ako nag-post sa social media)," paliwanag ni Jayvee.
Mayroon mga may mabubuting kalooban na nagbigay ng tulong at nakalikom si Jayvee P15,000 na donasyon.
Ngunit kung may mga mabubuting tao, hindi rin mawawala ang mga masasama.
Ayon kay Jayvee, may nakipag-ugnayan daw sa kaniya na magbibigay din ng pera at hiningi ang mga impormasyon ng mobile wallet account.
Pero hindi pala talaga ang pagbibigay ng pera ang pakay ng taong nakipag-ugnayan sa kaniya kung hindi para nakawin ang perang para sa kaniyang ama.
"Hindi ko na po kasi naisip kung anong masamang mangyayari sa'kin, parang lahat ng maibibigay kong impormasyon dahil talagang nangangailangan po," ayon kay Jayvee.
"Nabilog niya po ako tapos nakuha niya po sa'kin 'yong mga impormasyon," dagdag niya.
Ipinaalam na ni Jayvee sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group ang insidente.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Police Captain Mark Norbe, mayroon na silang posibleng suspek sa insidente at nangako silang bibigyan ng hustisya si Jayvee at kaniyang pamilya. --FRJ, GMA News