Lumabas ang isang video habang kumakanta ang crew ng lumubog na Indonesian submarine ng "Sampai Jumpa" na nangangahulugang "Goodbye," ilang linggo bago mangyari ang malagim na trahediya.
"Even though I'm not ready to be missing you. I'm not ready to live without you. I wish all the best for you," saad sa kanta.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing Abril 21, 2021 nang ideklarang nawawala ang KRI Nanggala-402 submarine na may sakay na 53 crew.
Naputol ang komunikasyon ng crew sa militar matapos ang kanilang pag-dive para sa torpedo drill, at hanggang tatlong araw lamang ang supply nila ng oxygen.
Para mahanap ang nawawalang crew, nagsanib-puwersa ang anim na warship, isang helicopter at 400 personnel, kasama na ang search-and-rescue assets ng iba't ibang bansa.
Na-recover ang ilang kagamitan na pinaniniwalaang galing sa crew ng submarine sa ilang araw na paghahanap.
Ilang item din ang nakita, na ayon sa mga eksperto, ay indikasyon na nagkapira-piraso ang submarine.
Abril 25, 2021 nang kumpirmahin ng militar ng Indonesia na patay na ang lahat ng 53 crew ng KRI Nanggala-402 submarine.
"It is not human error... Because they followed the right procedures during the dive," ayon kay Indonesia's Navy Chief of Staff Yudo Margono.
"From the very beginning of the dive report, we have heard the preparation procedures was carried out properly. And when it dived, the lights were still on so there was no blackout," sabi ni Margono.
Noon ding Abril 25, natagpuan na nahati na sa tatlong bahagi ang submarine sa ilalim ng Bali Sea.
Hinala ng Indonesian navy, posibleng lumubog nang hanggang 2,000 talampakan ang submarine, kung saan hindi na nito kakayanin ang water pressure.
Inaalam pa ng navy ang posibleng dahilan ng trahediya at paraan kung paano iaahon ang submarine.--FRJ, GMA News