Hindi nagtutugma ang ibinigay na datos ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Animal Industry (BAI) sa Senado kung gaano karami ang karneng baboy na inangkat ng bansa noong 2020.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, nasa 30 milyong kilo ng karneng baboy ang pagkakaiba sa datos ng dalawang ahensiya at posibleng "naipuslit" sa bansa.
Sa datos ng BOC, sinabi ng senador na nakasaad na mahigit 225 milyong kilo ng baboy na nagkakahalaga ng mahigit P16 bilyon ang naangkat noong 2020.
Samantala sa datos ng BAI, umabot ito sa 256 milyong kilo.
Ang BIA ang nagsasagawa ng pagsusuri sa mga karne.
Nang hingan ng paliwanag, sinabi ni BOC spokesperson Vincent Maronilla na ang datos na ibinigay nila sa Senado ay tama at batay sa nakakalap nilang impormasyon sa Customs.
“Our data is based on actual importations that were processed and released by BOC,” paliwanag ni Maronilla sa GMA News Online.
Sinabi naman ni BAI officer-in-charge director Reildrin Morales, na ang datos nila ay batay sa “actual arrival as inspected by our quarantine officers.”
Ayon kay Maronilla, magsasagawa ang Customs ng beripikasyon sa Department of Agriculture na basehan umano ng kanilang datos.—FRJ, GMA News