Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na inaprubahan na ang aplikasyon ng halos 400,000 tourism sector workers para sa one-time P5,000 cash aid sa ilalim ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).
Sa pahayag, sinabi ng DOLE na hanggang Abril 11, kabilang sa CAMP beneficiaries ang 370,434 manggagawa mula sa 14,301 tourism establishments, organizations, at associations sa bansa, at 13,123 na iba pang maggagawa na nag-aplay din sa programa.
Umaabot umano sa P1.2 bilyon ang ini-remit na sa mga payment center, at may nalalabi pang P719.2 milyon na ilalabas.
Hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga manggagawa sa tourism sectors na naapektuhan ang trabaho dahil sa enhanced community quarantine lalo na ang mga nasa Metro Manila, kalapit na lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal na mag-aplay para sa financial aid na katuwang ang Department of Tourism.
Ayon naman kay Labor Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay, nasa 8,000 tourism sector workers na ang nakinabang sa CAMP sa unang linggo pa lang nang ipatupad ang ECQ.
Kabilang sa mga benepisaryo ay ang mga manggagawa sa Philippine Association for Licensed Massage Therapists Inc., World Photo Journeys Travel and Tours, 1 Aviation Ground Handling Services Corporation, Hotel Kimberly Manila, Okada Manila Hotel, Great Sights Travel and Tours Corporation, Hop Inn Ermita, Link-World Travel and Tours, Canadian Travel and Tour Corporation, and PLDOZE Travel and Tours sa National Capital Region.
Sa Central Luzon, ang mga benepisaryo ay mga manggagawa ng Baliuag Buntal Handicrafts Manufacturing, Hilot Kamay One Guiguinteño, San Francisco TODA, Sta. Ana Bulakan TODA, Sto. Rosario Tibig TODA, Zesto Tricycle Operations and Drivers Association Inc., Triple Junction Subdivision TODA, Marilao Poblacion 2 Tricycle Operators and Drivers Association, at Gitda-08 Daungan TODA.
Kabilang naman sa CAMP beneficiaries sa CALABARZON ay Bag of Beans Café and Restaurant, Inc.; Lantic Carmona Estates, Cedar, Manila Jockey TODA; Public Utility Jeepney Association of Carmona, Inc.; Maduya-PNCC-Golden Mile Tricycle Operators and Drivers Association Inc.; Carmona Public Market Calabuso TODA, Tour Guide and Recreation Association, Inc.; Samahang Nagkakaisa para sa Kaunlaran ng Myseoul Tiangge; Samahan ng Manininda, Mananahi at mga Tauhan sa Bagpi Taytay; Taytay’s Fashion Group; Antipolo Group Inc.; United Boatmen Association; Maria Makiling Frontliners Association Inc.; Costales Nature Farms, Inc.; Bukal Local Guide Association at Lumban Embroidery Association Multipurpose Cooperative.
“We will never falter despite the increasing odds brought about by this pandemic. In the coming months, as we start to put the economy on its track, we hope that our tourism stakeholders will get back on their feet stronger than before,” ayon kay Bello.
Ang mga nais mag-aplay sa programa ng establishments/associations/organizations/individuals, kailangang magsumite ng documentary requirements sa DOT Regional Office para sa initial evaluation.
Matapos ang verification of completeness, pagsusumitihin ng DOT Regional Office ang aplikate ng application and complete requirements online sa page na ito. --FRJ, GMA News