Isiniwalat ng isang mambabatas na P1,000 kada oras umano ang sinisingil sa mga COVID-19 patient na nasa tent at naghihintay na magkaroon ng bakanteng kuwarto para ma-admit sa ospital.
Sa pagdinig ng House Committee on Health nitong Martes, sinabi ni Bayan Muna party-list Representative Ferdinand Gaite, na ang naturang singil ay hindi pa sakop ng PhilHealth.
Nais malaman ng kongresista kung kasama sa patakaran ng pamahalaan ang naturang sistema.
"Pansamantalang nilagay muna sila sa mga tent and when they were billed out, apparently, PhilHealth does not cover the expense... medyo malaki rin... accordingly, P1,000 per hour ang singil nila. Ang sabi nga daig pa ang ICU and worst it is not covered by the PhilHealth," ani Gaite, na hindi tinukoy kung ano ang pangalan ng ospital.
Aminado naman si PhilHealth Acting Senior Vice President Neri Santiago na hindi kasama sa coverage o medical package ng ahensiya ang pananatili ng pasyente sa "tent."
"Sa ngayon hindi accredited 'yung mga tent at wala pang standards for that sa ngayon, so 'di po talaga siya mako-cover, 'yung nasa tents," paliwanag ni Santiago.
Inalmahan naman ni Health Secretary Francisco Duque ang mataas na singil sa tent ng ospital na tinawag niyang "highway robbery."
"For eight hours, that is P8,000... hindi po tama 'yan and mayroon po tayong benefit package ng PhilHealth and we already upgraded this benefit package to be inclusive of different level of accommodation," ani Duque, na nais malaman anong ospital ang tinutukoy ng kongresista.
Nangako naman si Gaite na ibibigay niya sa komite ang pangalan ng ospital.
Hiniling din ni Gaite sa PhilHealth na repasuhin ang patakaran sa coverage ng ahensiya dahil nagiging pahirapan ang ma-admit ngayon sa ospital dahil sa dami ng nagkakasakit ng COVID-19.— FRJ, GMA News