Umakyat sa 4.2 milyon ang mga walang trabaho sa bansa nitong Pebrero, ayon sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa virtual press conference nitong Martes, sinabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa, na ang unemployment rate sa ikalawang buwan ng 2021 ay nasa 8.8% na katumbas ng 4.2 milyon—edad 15 pataas — mula sa 8.7% o apat na milyon noong Enero.
Ang unemployment rate nitong Pebrero ang ikatlong pinakamataas mula noong Abril 2020 — na umabot sa 17.6% noong kaigtingan ng nationwide lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
"Simula Pebrero 2021, ang buwanang LFS ay isasagawa sa pagitan ng regular na LFS upang magkaroon ng high frequency data on labor and employment bilang isa sa mga basehan sa paggawa ng polisiya at plano, lalo na iyong may kinalaman sa COVID-19,” ayon kay Mapa.
Tumaas naman ng 1.9 milyon ang mga nadagdag sa bilang ng mga nagkatrabaho at nagkanegosyo ngayong Pebrero para sa kabuuang 43.2 milyon mula sa 41.2 milyon noong Enero.
Kahit nadagdagan ang nagkatrabaho at nagkaroon ng negosyo, bahagya pa ring nabawasan ang employment rate sa 91.2% nitong Pebrero kumpara sa 91.3% noong Enero.
Ipinaliwanag ni Mapa na dulot ito ng pagtaas ng labor force participation rate, o pagdami ng mga naghahanap ng trabaho.
“May expectation naman na mataas ang unemployment rate dahil marami ang pumasok sa labor force," anang opisyal. "Mas marami man ang employed, tumaas din ang underemployment ng 1.3 million.”
Sa isang pahayag, naniniwala ang economic managers na ang resulta ng bagong LFS ay indikasyon ng bumubuti na ang lagay ng ekonomiya.
“Although the unemployment rate marginally increased to 8.8% in February 2021 from 8.7% in January 2021, the gradual reopening of the economy allowed more people to re-join the labor force,” ayon sa pahayag.
“As a result, some 1.9 million jobs were restored, translating to an overall employment level of 43.2 million in February 2021. This means we have surpassed our pre-pandemic employment level of 42.6 million in January 2020,” dagdag nila.--FRJ, GMA News