Ilan pang opisyal ang nadagdag sa listahan ng mga dinadapuan ng COVID-19 tulad nina dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada, Communication Secretary Martin Andanar, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa Facebook post ipinaalam ni Senador Jinggoy Estrada, ang pagkakaroon ng kaniyang amang si Erap ng COVID-19.
"Sa aking mga kababayan, Nais ko pong ipaalam sa inyo na ang aking ama, na si dating pangulong Joseph Estrada, ay isinugod namin sa ospital kagabi sa kadahilanan ng panghihina ng kanyang katawan," anang dating senador.
"Na-diagnose na po siya na positibo sa covid 19," patuloy ni Jinggoy na humingi ng panalangin para sa agarang paggaling ng kaniyang ama na naging alkalde rin ng San Juan at Maynila.
Ayon kay Jinggoy, "stable" na ang kalagayan ng kaniyang ama.
Sa panayam ng Dobol B TV, ikinuwento ni Jinggoy na nitong Huwebes niya napansin na tila mahina ang pangangatawan ng dating pangulo.
"Huwebes napansin ko na na medyo nanghina ang kaniyang katawan. Madalas siyang magpunta sa banyo. Medyo kinabahan na ako noon," ayon kay Jinggoy.
"Pina-swab ko that day. Negatibo naman. Pagkatapos, kahapon napansin kong mahinang mahina siya. Hiningal," patuloy niya.
Sa payo na rin ng duktor, dinala niya sa ospital si Erap at doon ay muling isinailalim sa COVID-19 test kung saan nagpositibo ang dating pangulo.
Dahil hindi naman daw madalas lumabas ang kaniyang ama, hinihinala ni Jinggoy na posibleng sa bisita nahawa ng virus ang kaniyang ama.
"Kahit magalit ang tatay ko, hindi na siguro ako magpapapasok kahit sinong bisita," anang dating senador, na nagself-quarantine din dahil sa close contact siya ng kaniyang ama.
Bumuti na umano ang pakiramdam ng kaniyang ama at tumaas na rin ang kaniyang oxygen level.
Samantala, ipinaalam din ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Andanar nitong Lunes na nagpositibo siya sa COVID-19.
Sa ulat ni Tuesday Niu sa dzBB Super Radyo, nitong Marso 27 nakita ang virus nang magpa-swab test siya sa airport.
Nanggaling umano si Andanar sa Dinagat Islands pero nagatibo ang resulta nang panahon na umalis siya.
Nagpositibo naman sa ikalawang pagkakataon sa virus si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
"Eight months after my first bout with COVID-19, I am very sad to report that I have once again tested positive for the virus," anang alkalde sa Facebook post.
Nakararamdam umano si Belmonte "mild symptoms" at kasalukuyang naka-quarantine.
"Needless to say, I will abide by all the recommended protocols and actions prescribed by the DOH, IATF, and our own City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU). Our CESU is likewise hard at work doing full contact-tracing procedures on individuals that I may have had close contact with," ayon sa alkalde.
HIGIT 10k CASES NGAYONG LUNES
Sa datos ng Department of Health ngayong Lunes, nakapagtala ng bagong record na 10,016 new COVID-19 infections ang bansa. Dahil dito, 731,894 na ang tinamaan ng virus sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 115,495 ang active cases, kung saan 95.9% ang "mild," 2.4% ang "asymptomatic," 0.7% ang "critical," at 0.7% ang "severe condition."
Nadagdagan naman ng 78 ang mga gumaling para sa kabuuang bilang na 603,213. Habang 13,186 naman ang nasawi matapos madagdagan ng 16.-- FRJ, GMA News