Nagkasira-sira ang harapan at nabasag ang windshield ng isang SUV matapos itong sumalpok sa likuran ng isang dump truck sa Ortigas Avenue, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang aksidente bago mag-alas onse ng gabi ng Martes.
Sinabi ng MMDA na masuwerteng hindi nagtamo ng mga sugat ang lalaking driver ng SUV.
Ayon sa salaysay ni Jun Alex Rosende, driver ng truck, nagulat siya nang may bumangga sa likuran ng minamaneho niyang truck.
"Nakahinto po 'yung truck sir, kasi may truck po sa harapan ko, naka-red light. Ilang minuto, bigla na pong lumubog 'yung likod ng truck, 'yung kotse na pala 'yung bumunggo sa likod," sabi ni Rosende.
Nahatak bago maghatinggabi ang SUV, na tumama pa ang likuran sa steel fence.
Hindi na nakapanayam pa ng GMA News ang driver ng SUV.
Sinabi ng MMDA na ang QCPD traffic sector na sa Camp Karingal ang mag-iimbestiga sa aksidente. —Jamil Santos/LBG, GMA News