Nagpositibo sa COVID-19 si House Majority Leader Martin Romualdez (Leyte). Una rito, inihayag ng secretary general ng kapulungan na mayroon silang 29 na kaso ng COVID-19.
“Today, I received the result of my RT-PCR test showing that I am positive for COVID-19. I am scheduled to undergo a second test tomorrow to rule out a false positive result,” ayon sa inilabas na pahayag ni Romualdez nitong Miyerkules.
Sinabi ng kongresista na naka-isolate siya at masusing binabantayan ng kaniyang doktor.
"Let me assure those who are concerned with my physical well-being that I am coping well despite experiencing symptoms of the disease, and that I am in high spirits," ayon kay Romualdez.
Hiniling niya sa mga maging close contact niya na magpa-swab test.
Nakiusap din ang kongresista na ipagpatuloy na ipagdasal ang mga dinapuan ng sakit at ang mga frontliner.
Nitong Martes, inihayag ng kapartido ni Romualdez na si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na nagpositibo siya sa COVID-19 at pito pa niyang kasama sa bahay.
Nakatakdang sumailalim muli sa COVID-19 test si Defensor ngayong Miyerkules para alamin kung negatibo na siya sa virus.
Una rito, sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza nitong Miyerkules, na hindi pa kailangang i-lockdown ang kapulungan.
"So far no need naman. Nasabi naman ni Speaker at saka mga members na hindi naman kailangang i-lockdown kasi two weeks na lang din naman tayo," ani Mendoza.
"At the same time, gusto na rin tapusin ni Speaker at ng mga members 'yung mga pending measures sa House bago mag-break. Controlled naman, managed naman 'yung situation sa House kasi considering na 29 cases, that's around two to three percent lang ng population ng House," ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News