Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ng pakikiisa para sa nakatakdang Earth Hour sa ika-27 ng Marso, 2021.

Ayon kay CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, napakaganda ng layunin ng taunang Earth Hour na pagkaisahin ang lahat upang bigyang halaga ang sanilikha na biyaya ng Panginoon sa sangkatauhan.

Paliwanag ng obispo, ang pakikibahagi sa Earth Hour ay isa ring makahulugang pagpapamalas ng pakikiisa at pagmamalasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sandaling pagkakataon upang makapagpahinga.

“Please let us cooperate kasi napakagandang adhikain nito at ang Earth Hour ay pinasimulan yan ng World Wildlife Fund at naging isa sa pinakamalaking parang confederation of all ecological movements in the world.

"Symbolic yung Earth Hour, ang pakikiisa mo ay simbolo na meron kang malasakit para sa ating kalikasan,” ang bahagi ng pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa kanyang pastoral visit on-air sa Radio Veritas.

Giit ng Obispo, nag-iisa lamang ang daigdig kaya’t marapat lamang na pangalagaan ito ng bawat isa para na rin sa kinabukasan ng susunod pang henerasyon.

Pagbabahagi ni Bishop David, “Walang Planet B, isa lang yung planeta so far na nakitain natin ng buhay tapos sisirain pa natin, para bang now we are realizing, napakadali para sa tao na wasakin ang kanyang tahanan at kapag winasak natin itong nag-iisang tahanan natin, anong winawasak natin, sarili natin kinabukasan natin. Gusto ba natin ang mga future generation they will back and blame us na dahil sa kapabayaan natin at kawalan natin ng malasakit ay winasak natin ang ating tahanan.” 

Nakatakda sa ika-27 ng Marso, 2021 ang Earth Hour ngayon taon kung saan inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa makahulugang pagpapatay ng mga ilaw sa loob ng isang oras mula alas-otso y medya ng gabi.

“Ano yung gagawin, yun lang at 8:30 in the evening of this coming Saturday, March 27 patayin yung mga pwedeng patayin na mga kuryente, na gumagamit ng kuryente lalong lalo na ang mga ilaw isang oras lang naman. Parang yung 1 hour na yun makikipagbonding ka with rest of the people around the world who would like to do this symbolically as an expression nung ating malasakit para sa ating kalikasan.” paanyaya ni Bishop David.

Samantalah, hinihikayat din ni Bishop Broderick Pabillo, administrator ng Archdiocese of Manila, ang lahat na pahalagahan ang mundo na kaisa-isang tahanang ibinigay ng Diyos sa sangnilikha.

“Ito po’y celebration natin upang bigyang halaga ang ating inang kalikasan, ang ating mundo, ang kaisa-isang tahanan na ibinigay sa atin ng Diyos,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.

Inaanyayahan din ni Bishop Pabillo ang lahat na makiisa sa Special Programming ng Radio Veritas na “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan” mula alas-8 hanggang alas-10 ng gabi, bilang pakikiisa ng himpilan sa pakikiisa sa Earth Hour.

Tampok sa “Banal na Oras para sa Kalikasan” ang mga pagninilay ng mga lider ng simbahan at isang oras na pagrorosaryo na pangungunahan ng Association of Major Religious Superior in the Philippines o AMRSP.

Kaugnay nito, nanawagan din si Living Laudato Si-Philippines executive director Rodne Galicha sa mamamayan na palaging isaalang-alang ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan. 

“In every action that we do, in every word that we say and in every plan that we do, dapat naandyan lagi ang pangangalaga sa kalikasan,” bahagi ng mensahe ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.

Ipinaliwanag nito na hindi lamang sa loob ng isang oras dapat bigyan ng pahinga ang mundo kundi dapat ito ay gawin oras-oras bilang pagpapakita ng patuloy na pakikipag-ugnayan at pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan.

“Earth Hour is not only for 1 hour. It should be every second and every breath that we take,” ayon kay Galicha.

Tema ng Earth Hour 2021 ang "Speak Up For Nature" na hinihikayat ang mamamayan na ipahayag at ipagtanggol ang karapatan ng kalikasan upang ipabatid sa bawat pinuno ng mga bansa ang pangangalaga at pagpapahalaga na matagal nang hinaing ng ating nag-iisang tahanan. —LBG, GMA News