Inamin ng babaeng nakapiit sa Quezon City Police District na unang nahuli dahil sa ilegal na droga na ginamit siyang "asset" ng mga pulis para sa buy-bust operation na nauwi sa engkuwentro sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Una rito, pinuna ng National Bureau of Investigation (NBI) kung bakit mayroong kasama ang QCPD sa nangyaring madugong engkuwento noong Pebrero 24, na isang asset na dapat ay nakakulong dahil mahuli ito noon kaugnay sa usapin din ng ilegal na droga.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng nakapiit na si Jonaite Decena, na nagpatulong umano sa kaniya ang mga pulis sa isang buy-bust operation laban sa grupo ng isang "James Tan."
Sa sinumpaang salaysay ni Decena na isinumite sa NBI, sinabi niya na dapat magaganap ang pagtatagpo nila ng kinatawan ni Tan at isasagawa ang buy-bust sa Litex area noong Pebrero 24.
Pero nagkaroon ng problema ang sasakyan ng kinatawan ni Tan kaya nalipat ang lugar ng tagpuan sa malapit sa isang fastfood restaurant sa Commonwealth Avenue.
Ang naturang grupo ng kinatawan ni Tan ang lumilitaw na kasamang "asset" naman ng PDEA na nauna nang nagpahayag na mayroon din silang lehitimong operasyon sa Litex pero napatigil sa parking area sa fastfood restaurant nang mag-overheat ang kanilang sasakyan.
Sa CCTV, makikita si Decena na may bitbit na bag at lumalapit sa puting kotse na sinasabing nasiraan na kinaroroonan ng tropa ng PDEA.
Kasama ni Decena na lumalapit sa kotse si Police Corporal Elvin Garado pero biglang nauna ang pulis sa paglapit sa kotse. Nakatayo noon sa labas ng kotse sa tapat ng driver' side ang PDEA asset na si Untong Matalnas.
Ayon kay Decena, nagpauna si Garado nang mapansin daw ng pulis na marami ang nakasakay sa kotse.
"Pagtapat ko dun sa nakatayong nakaitim, nadinig ko sinabi niya na pulis ito," ani Decena at doon na raw nagsimula ang putukan.
Nauna nang iniulat na mayroon umanong buy-bust money na dala ang mga pulis nang mangyari ang engkuwentro. -FRJ, GMA News