Inihayag ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor na nagpositibo siya sa COVID-19 at pito pa niyang kasama sa bahay.
"Even while practicing health protocols, nag-positive ako sa COVID-19 along with seven people in my house, including my son-in-law," saad ng kongresista sa isang pahayag nitong Huwebes.
Ayon pa kay Defensor, asymptomatic sila ng kaniyang manugang at nakahiwalay sa kanilang kuwarto.
"Everything's normal. Parang one day lang ako nagka-flu," pahayag naman niya sa text message.
Nalaman umano na positibo sila sa virus magda-dalawang linggo na ang nakalilipas at isasailalim sila sa COVID-19 test bukas [Miyerkules] upang alamin kung negatibo na sila sa virus.
Paalala niya sa publiko; "Hindi pa tapos ang pandemya. We still have to practice our protocols. Magsuot ng mask, maghugas ng kamay, mag-social distance, at huwag muna lumabas ng bahay kung hindi talaga kailangan."
Nitong nakaraang Lunes, inihayag ni Negros Oriental Representative Jocelyn Sy Limkaichong, na nagpositibo rin siya sa COVID-19.
Ilan pa sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpositibo kamakailan sa virus ay sina PNP Chief General Debold Sinas, Philippine Drug Enforcement Agency Director General Wilkins Villanueva, at presidential spokesperson Harry Roque.--FRJ, GMA News