Nahuli-cam ang ginawang pag-iwan sa kalsada ng bangkay ng isang lalaki na balot ng packaging tape ang duguang mukha at nakatali ang mga paa sa Caloocan City.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa CCTV ng Brgy. 75 ng lungsod na may isang puting Innova ang huminto sa Francisco Street pasado 11 p.m. ng Biyernes.
Maya maya, bumaba ang dalawang lalaking mga nakaitim na jacket, samantalang tumigil din ang puting kotse at motor na nakasunod sa multi-purpose vehicle (MPV).
Pagkaraan nito, binuksan na ng dalawang lalaki ang trunk ng MPV habang nagsilbi namang lookout ang isa pang lalaki.
Ilang saglit ang lumipas, umalis na ang sasakyan at iniwan ang isang lalaki na nakahandusay sa kalsada.
Umalis na rin ang nakasunod na kotse at motorsiklo.
Natagpuan ang mga basyo ng bala sa lugar, at nakatali ang paa ng bangkay. May nakapatong na karton sa dibdib ng lalaki na nakasulat "Tulak ako! Wag tularan. Susunod na kayo!!!"
Nang alisin ng mga awtoridad ang packaging tape sa lalaki, bumungad ang duguan niyang mukha.
Ayon kay Kap. Augosto Nadal ng Brgy. 75, anim na buwan nang naninirahan ang lalaki na kilala bilang si "Nap."
"Pero pinababantayan ko na 'yan dahil alam kong nagbebenta ng droga... Nakita rin sa CCTV na 'yun nga, nag-aabutan. Talagang positive na nagbebenta," sabi ni Nadal.
Sinabi pa ni Nadal na dati nang nakulong ang biktima pero walang linaw kung may kinalaman ito sa kasong droga.
Patuloy na inaalam ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga salarin. -Jamil Santos/MDM, GMA News