Sa kulungan ang bagsak ng tatlong lalaki na mga miyembro umano ng gun-for-hire group na sangkot sa tangkang pananambang ng isang dating gobernador ng Pangasinan na ikinamatay ng police escort nito.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa CCTV ang isang nakaparadang sasakyan sa San Juan, Batangas na primary target ng mga awtoridad.
Nang mamataan na ng San Juan, Batangas Police ang subject, lumabas na ang mga operatiba na nasa katapat lang na AUV.
Nang mapansin ng mga awtoridad na may kasama ang suspek sa tinted na sasakyan, rumesponde ang iba pang back-up at tinutukan ang sasakyan hanggang mapalabas ang mga sakay nito.
Arestado sa operasyon sina Armando Frias Jr., Benjie Resultan, at Albert Palisoc na may mga warrant lahat.
Ang mga arestadong suspek ay miyembro umano ng seasoned gun-for-hire group, na nasa likod ng tangkang pananambang sa dating Pangasinan Governor Amado Espino na ikinasawi ng kaniyang police escort.
Nabawi sa mga suspek ang tatlong .45 at mga pekeng ID.
Sinabi ng pulisya na na-monitor nila na muling nagre-regroup ang gun for hire group para sa bagong katrabaho.
Sinamantala nang mahuli ng mga awtoridad ang grupo nang pumunta ang mga ito sa Batangas.
"Na-monitor po namin na involved din sila sa illegal drugs kung saan ang isa sa mga suspek ay listed ito as high-valued individual sa illegal drugs and recommended as priority target ng Pangasinan PPO," sabi ni Police Lieutenant Colonel Marlon Cabataña, hepe ng San Juan, Batangas Police.
Isasailalim ang mga baril na na-recover mula sa mga suspek sa forensic dvm, examination at titingnan kung ito ay nagamit sa iba pang krimen. — Jamil Santos/DVM, GMA News