Kilala man sa kaniyang pagiging boxing champion, sinabi ni Senator Manny Pacquiao na hindi siya lumaki na nagbo-boxing at nadiskubre niya lamang ito para may maipangkain sa naghihirap niyang pamilya noon.

Sa "Wowowin-Tutok To Win," binalikan ni Sen. Manny ang pinagdaanan nilang hirap ng kaniyang pamilya noong kabataan niya.

"Emosyonal ako kapag kinukuwento ko ito eh. Isang araw, wala talaga kaming pagkain. Can you imagine, 'yung kapatid ko, si Congressman Ruel (Rogelio Pacquiao, Sarangani Representative), maliit pa 'yan, bata pa, hindi nakakaintindi kung ipaliwanag mo sa kaniya na 'Wala tayong pagkain.'"

"Umiiyak, nagugutom na, mga 1:30 in the afternoon wala kang almusal, wala kang tanghalian. Nagugutom, iyak nang iyak," pagpapatuloy ng senador.

"Ang mama ko naman, si Mommy D (Dionisia), tumutulo ang luha. 'Anak ano ang magagawa natin? Wala tayong pera pangkain, wala tayong pangsaing. Inom lang muna kayo ng maraming tubig diyan para mawala 'yung gutom ninyo, baka mamayang gabi magkaroon tayo ng pagkain,'" kuwento ni Sen. Manny.

Para may maipangkain, tumungo si Pacquiao sa bakery para mangolekta ng mga inaamag nang tinapay na ibibigay na sa mga baboy.

"Tatanggalin ko lang, aalisin ko lang tapos iinitin ko ulit, tapos [kakainin] maka-survive lang," kuwento ng senador. "Ganoon ang buhay na dinanas ko bago ako naging 'Manny Pacquiao.'"

Nagsimulang mamulat si Sen. Manny sa boxing nang may salihan siyang event sa kanilang lugar na may premyong P50.

"Wala, wala. Hindi ko alam ang boxing. Wala akong idea. Nag-participate lang ako kasi may premyo nga."

"Malaking bagay na kasi 'yan. Noong araw, noong kami ay walang wala talaga, 'yung P50 makakabili ka na ng ilang kilong bigas. Ang kilong bigas noon nasa P7, P8 pa lang. P50 marami kang mabibiling ilang bigas noon tsaka ulam."

Kilala na ngayon si Pacquiao bilang isang eight-division boxing champion at nanalo ng 12 na major world titles. —LBG, GMA News