Inihayag ni Speaker Lord Allan Velasco na nais pagtuunan ng pansin ng kaniyang liderato sa Kamara de Representantes ang natitirang mga panukalang batas na kailangan ngayon ng bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Velasco na kaunting panahon na lang ang nalalabi para sa 2022 elections kaya mas makabubuti na talakayin na lang ang ABS-CBN franchise sa susunod na Kongreso.
"On top of these priority legislation, we would like to see the passage of Bayanihan 3, as well as other economic bills geared toward rebuilding the Philippine economy, shattered by the devastating impact of the global pandemic and rebuilding the lives of every Filipino disrupted by the health crisis," anang lider ng Kamara.
Ginawa ni Velasco ang pahayag ilang araw matapos namang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaan ang National Telecommunications Commission na bigyan ng license to operate ang ABS-CBN kahit pa bigyan ito ng bagong prangkisa ng Kongreso.
Giit ni Duterte, kailangan munang bayaran ng pamilya Lopez ang mga utang nitong buwis sa gobyerno.
Sa mga nakaraang pahayag, itinanggi ng mga Lopez na may mga obligasyon pa silang hindi nababayaran sa pamahalaan.
Mayo 2020 nang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN, at hindi nakapasa sa House committee on Franchises ang panukalang batas para sa kanilang panibagong prangkisa.
Nang maupo si Velasco bilang bagong lider ng Kamara, ilang panukalang batas ang inihain upang mabigyan hilingin na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.--FRJ, GMA News