Nagpaalam na magbabasket at yumakap pa sa ama ang isa sa dalawang menor de edad na natagpuang patay at tadtad ng saksak sa Tondo, Maynila.
Ilang araw na nawala sina Carl Justine Banogon at Chormel Buenaflor, parehong 15-anyos, bago nakita ang bangkay na palutang-lutang sa Isla Puting Bato, hindi kalayuan sa kanilang lugar sa Parola compound, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Martes.
Nakalagay sa body bag, naka-tape ang mga paa, kamay at mukha ng mga biktima nang makita.
Tadtad sila ng saksak sa ulo at katawan, may laslas sa leeg, at ginuhitan pa ng smiley face ang katawan gamit ang ice pick.
“Bilang isang magulang, masakit na ganunin ‘yung anak mo, paglaruan, parang blackboard. Eh, pagtapos paglaruan, lagyan mo ‘yung dibdib ng bala, laslasin mo ‘yung leeg,” sabi ng ama ni Buenaflor.
“Para sa akin, kahit sino, 15 anyos. Ano ba naman laban niyan? Nakatagpo ‘yung anak ko ng demonyo,” dagdag pa niya.
Hindi rin matanggap ng lola ni Buenaflor ang sinapit ng kaniyang apo.
“Parang hindi ko tanggap, eh. Dapat binaril na lang nila, isang baril na lang. Grabe ‘yun, puro may tusok ang tao sa ulo. Mga tao ho ba ‘yan?” hinanakit niya.
Ayon sa ama ni Buenaflor, nagpaalam ang dalawa na maglalaro lang basketball.
Bago umalis ang anak, yumakap pa raw sa kaniya ang anak.
“'Pa, mahal na mahal kita.' Bumalik. 'Pa, baka 'di na ako makabalik.' 'Huwag ka magsalita ng ganyan, ‘nak, magdasal ka.' ‘Lika na, umuwi na tayo. Kinakabahan ako sa 'yo.' '‘Di, Pa, alam ko 'to.' 'Sige, 'nak, ingat ka,'” kuwento ng ama.
Walang maisip ang pamilya ng mga biktima kung sino ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.
“Bago po ‘yan, dalawang kagawad ko po namura niya. Medyo may talagang kasakitan sa ulo po ‘yan. Pangalawa po, 2018 'yan po ay nang-agaw ng baril doon sa Tutuban. Kaya parang may grupo sila eh,” sabi ni Ariel Pioroda, kapitan ng Barangay 119.
“Medyo pasaway talaga ‘yang batang ‘yan. Ang kuwan naman niya, ‘yung mga tisinelas, cellphone… pero sa barangay din ilang beses na nahuli ng mga tanod ko, ‘yung mahilig magmura din ‘yan,” ani Rufu Ventura ng Barangay 118.
Patuloy naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad at nakikipag-ugnayan sa mga barangay na nakasasakop sa lugar ng mga biktima.
“Iniimbestigahan na po ‘yan. On follow-up tapos hindi naman po tumitigil ang kapulisan para po malutas ang insidente,” ayon kay Police Lieutenant Rowell Robles, hepe ng MPD Don Bosco Precinct.
Para sa pamilya, mali ang ginawa sa mga biktima kahit nakagawa sila ng pagkakamali.
“Kung sakaling may kasalanan ‘yung apo ko, sana hindi naman ganon na babuyin, anuhin, o patayin. Nilunod pa sa dagat,” ayon sa lola ni Banogon.
Katarungan ang hiling ng pamilya ng biktima.
“Kung sino ka man, demonyo ka. Panginoon, alam ko nagpapatawad Siya, eh. Pero ito hindi ito dapat patawarin ng Diyos 'to,” sabi ng ama ni Buenaflor. —FRJ/KG, GMA News