Kalunos-lunos ang sinapit ng isang padre de pamilya na sakay ng motorsiklo na kaagad na nasawi matapos mabundol at pumailalim sa isang SUV sa Quezon City. Ang driver ng SUV, natuklasan na bago pa lang nagmamaneho pero mayroong "professional" driver's license.
Sa video ng GMA News Feed, nahuli-cam sa CCTV sa Barangay Pasong Tamo ang masaklap na sinapit ni Arnulfo Allejo, na umalis ng kanilang bahay noong Lunes ng hapon para bumili lang pagkain ng kaniyang pamilya.
“Hindi na po siya conscious nung dumating kami, wala na siyang malay, hindi na rin kami naririnig kaya diretso na kami sa ospital,” ayon sa medic na si Jobert Elias.
Idineklara si Allejo, na dead on arrival sa ospital.
Kinilala ng pulisya ang driver ng SUV na si Alvin Mejico, 26-anyos, may hawak na lisensiya sa pagmamaneho bilang "professional."
Kung pagbabasehan ang kuha sa CCTV, sinabi ng mga opisyal ng barangay na tila hindi marunong magmaneho si Mejico.
Makikita kasi sa video na tumigil ang SUV sa gitna ng intersection at pagkadyot-kadyot ang usad. At nang humarurot, nataon sa pagdating ni Allejo na sakay ng kaniyang motorsiklo.
Sinuwag ng SUV si Allejo mula sa likuran at nagtuloy-tuloy sa pag-arangkada hanggang sa bumangga sa poste.
Hindi ngayon malaman ng misis ni Allejo kung papaano na sila ng kaniyang tatlong anak dahil ang kanilang padre de pamilya ang kumakayod para sa kanila.
Ayon kay Barangay Pasong Tamo chairperson Emmanuel Banjo Pilar, hindi bihasa sa pagmamaneho si Mejico kung pagbabasehan ang kuha ng CCTV.
Sinabi naman ni Police Lieutenant Vicente Borac Jr., QC Traffic Sector commander, na inamin umano ni Mejico na hindi pa talaga ito nakapagmamaneho nang malayo.
“Hindi pa s’ya ganun kagaling talaga magmaneho. Although meron s’yang professional drivers license pero ‘yung ganung kahabang takbo, first time niya,” sabi ni Borac.
Plano ni Pilar na alamin sa Land Transportation Office kung papaano nabigyan ng lisensiya si Mejica at professional pa.
Nahaharap naman si Mejico sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.--FRJ, GMA News