Para mapalakas ang tiwala ng publiko sa COVID-19 vaccine, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hihikayatin niya si Pangulong Rodrigo Duterte na ipakita sa publiko kapag nagpaturok ng gamot laban sa virus.
"We will try our best to convince the president to perhaps publicly allow himself to be vaccinated, but we will respect his ultimate decision, whatever it is," sabi ni Duque nang tanungin ni Senador Nancy Binay kung kokombinsihin niya si Duterte na isapubliko ang pagpapaturok ng bakuna.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Duterte na handa siyang maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine kapag mayroon na nito sa Pilipinas.
Pero kamakailan lang, sinabi ni Duterte na handa siyang mahuli na mabigyan ng bakuna at unahin nang mabigyan ng mga frontliner at mga mahihirap.
Sinabi naman ni presidential spokesperson Harry Roque kamakailan na tutularan ni Duterte si Queen Elizabeth II ng Britanya, iaanunsyo na lang at hindi na kailangan ipakita sa publiko ang pagpapaturok ng bakuna.
Pero ilang pangulo ng bansa ang nagpakita sa publiko sa ginawang pagturok sa kanila ng bakuna tulad nina US President Joe Biden, Indonesian President Joko Widodo, at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu.
Batay sa Pulse Asia survey, 32% lang ng mga Pinoy ang handang magpabakuna, at 47% ang nag-aalangan na magpaturok ng bakuna.
Sa hiwalay na survey by OCTA Research, lumitaw na isa lang sa bawat apat na residente sa Metro Manila ang handang magpabakuna.
Sinabi ni Duque na magsasagawa ang DOH ng "massive social marketing campaign" para mahikayat ang mga tao na magpabakuna labansa COVID-19.—FRJ, GMA News