Magsasara ang 2020 na mayroong 474,064 coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases ang Pilipinas, matapos madagdagan ng 1,541 nitong Huwebes, batay sa datos ng Department of Health (DOH).
Ayon sa DOH, tatlong laboratoryo ang hindi pa nakapagsumite ng kanilang datos.
Ang Quezon City ang may pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 na 101, sumunod ang Baguio (79), Manila (67), Rizal (65), at Davao (59).
Umakyat naman ang total recoveries sa 439,796, makaraang madagdagan ng 296 ang mga pasyenteng gumaling. Gayunman, 14 na pasyente ang nasawi para sa kabuuang bilang na 9,244.
Sa 25,024 na aktibong kaso ng COVID-19 na patuloy na ginagamot o naka-quarantine, sinabi ng DOH na 80.8 percent ang mild, 10.4 percent ang asymptomatic, 2.9 percent ang severe, at 5.5 percent ang critical.
Nakasaad din sa datos ng DOH, mayroong 63 percent ng intensive care unit beds sa bansa ang available, at 79 percent ng mechanical ventilators ang nakahanda.--FRJ, GMA News