Si Davao City Mayor Sara Duterte ang nanguna sa Pulse Asia survey ng mga posibleng tumakbong pangulo sa 2022 national elections. Sunod sa kaniya ang isang senador at isang dating senador.
Sa survey na ginawa noong November 23 hanggang December 2, 2020, na may 2,400 respondents, lumitaw na 26% ng adult Filipinos ang susuporta kay Mayor Sara kapag tumakbong pangulo.
"If the May 2022 presidential election was held during the survey period, around one (1) out of every four (4) Filipino adults (26%) would vote for Davao City Mayor Sara Duterte as the country's new chief executive," ayon sa Pulse Asia.
Nakasaad din sa survey na malaki ang nakuhang suporta ng alkalde sa Mindanao (58%) at sa Visayas (29%).
Tabla naman sa ikalawang puwesto sina Senador Grace Poe at dating senador Marcos Jr. na may 14%.
Pangatlo sa puwesto si Manila City Mayor Isko Moreno, na may 12%, kasunod si Senador Manny Pacquiao na may 10%.
Ang posibleng maging pambato ng oposisyon na si Vice President Leni Robredo, ay nasa ika-anim na puwesto na may 8%.
Sa Metro Manila, mas mataas ang puntos na nakuha ni Marcos sa Metro Manila na 20%, kumpara sa 18% ni Moreno.
Pinakamataas naman si Robredo sa Balanced Luzon na may 13% rating.--FRJ, GMA News