Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na nagkakaroon ng takipan ang mga opisyal sa pamahalaan kaugnay sa pinanggalingan ng hindi rehistradong COVID-19 vaccines na itinurok sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
“Nagkakabuhul-buhol na sila sa kakapalusot. They are lying through their teeth in a bid protect those who are principally involved in the illegal shipment of the unauthorized vaccines in the country," sabi ni Drilon nitong Miyerkules.
Hindi rin kombinsido ang senador na walang alam ang Bureau of Customs sa pagpasok sa bansa ng bakuna na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
"They cannot hide the truth. The truth will come out and we will find their fingerprints all over it. Those who caused the illegal importation and administration of the unauthorized vaccine must be held responsible. Otherwise, the environment of impunity is enhanced," ani Drilon.
Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipinuslit o smuggled ang bakuna dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Noong Sabado, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilang sundalo ang naturukan na ng COVID-19 vaccine ng Sinopharm ng China.
Hindi rin naniniwala si Drilon sa sinabi ni Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus Durante III, na sila lang ang namahala sa pagbabakuna.
"Tell that to the marines,” anang senador.
Inamin ni Durante na libre at bigay na donasyon lang ang gamot pero hindi niya sinabi kung sino ang nagbigay.
Nais ni Drilon na maparusahan ang mga nasa likod ng pagpasok sa bansa ng hindi rehistradong gamot na ipinagbabawal sa FDA law.
Pinuna rin ni Sen. Francis "Kiko" Pangilinan ang magkakaiba umanong pahayag ng mga opisyal ng pamahalaan.
"Sabi ng IATF mauuna ang mga medical front-liners pero hindi naman ito sinusunod ng Malacañan at ng AFP. Sabi ng FDA at ng Customs iligal yung mga pinasok na vaccine. Sabi naman ni Harry Roque walang nangyaring iligal. Sabi nga sa social media dapat bumuo sila ng group chat para iisa lang ang direksyon nila," sabi ni Pangilinan sa pahayag.
"Nakakalungkot na kahit nariyan na ang vaccine czar na si Charlie Galvez na sa aking paniwala ay may kakayahan at dapat in charge sa vaccine rollout ay kanya-kanyang kilos pa rin at kanya-kanyang magkasalungat na paliwanag sa ligalidad," dagdag niya.
Si Justice Secretary Menardo Guevarra, iniutos na imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hindi awtorisadong pagbabakuna.--FRJ, GMA News