Kalbaryo ang inabot ng ilang motoristang pumila para makabitan ng RFID sticker sa NAIA Expressway at inirereklamo nila ang kawalan ng sistema. Samantala, mabigat na daloy naman trapiko ang bumati sa unang araw ng digital cashless system sa North Luzon Expressway (NLEX) at mga reklamo sa nagpapalagay ng RFID.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, inihayag ng ilang motorista ang kanilang hinaing dahil ilang oras silang nagtiis sa pila at napag-alaman nilang may limit pa o cut-off sa makakabitan.
“Wala naman po talagang sistema. Dapat kanina pa sila nagbigay ng papel diyan para kung ano dumating na ‘yung sticker, di ba naka-fill up na,” saad ni Dennis Kreisher, isang driver.
“Hindi mamayang pagdating doon ‘tsaka lang magbibigay ng papel, tapos magsasabi sila na may cut-off pa. Papaano naman po ‘yun?” dagdag niya.
Ang isa namang motorista, inirereklamo abalang idinudulot ng pagpapakabit ng RFID.
“Nasayang na po ‘yung mga oras namin. Tsaka ‘yung may mga lakad pa kami hindi namin napuntahan,” ani Oliver Badillo.
Ang senior citizen na si Philip Zabala, sinabing ilang installation stations na ang pinuntahan niya para lang makapagpakabit ng RFID sticker.
“Hirap na hirap na ho kami, wala ho kaming trabaho. Sana marami silang option na ibinibigay na ano, na paraan. Hindi ‘yung, biruin niyo ‘yung pila niyan ang haba-haba,” reklamo niya.
Mayroon naman ibang stickering sites sa SLEX pero 100 lang ang cut-off sa mga walk-in na makakabitan tulad sa isang gasoline station.
Ang iba, kumukuha ng online appointment.
Ayon sa San Miguel Corporation na namamahala sa SLEX, NAIA Expressway, STAR toll, at TPLEX, ang mga sasakyan na walang RFID stickers ay maaari pa ring dumaan dahil mayroon isa hanggang tatlong linya sa toll plaza na tatanggap pa rin ng cash payment.
Mayroon ding on-the-spot RFID stickering sa ibang linya.
Ang paglilipat sa digital cashless system ay sinimulan ngayong December 1 hanggang Enero 11.
Simula sa Enero 12, ang mga wala pa ring RFID stickers na magkakamaling pumasok sa toll lane para sa mga may RFID ay pagmumultahin ng P2,000.
TRAPIK SA NLEX
Sa hiwalay na ulat ni Mark Salazar sa “24 Oras,” sinabing naging mahaba ang pila sa bigat ng trapiko sa NLEX sa Mindanao toll gate. Ang pila ng mga sasakyan ay umabot naman daw sa Karuhatan, Valenzuela.
Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), posibleng naninibago umano sa iba sa sistema.
“Any new system, new procedure that you introduce, initially nagkakaroon ng tinatawag na some birth pains. Usual po, basta first working day of the week, peak travel po ‘yan, Manila-bound whether coming from the north or from the south,” paliwanag ni TRB spokesman Julius Corpuz.
Nagkaroon din umano ng long weekend kaya marami ang sasakyan na nag-uuwian mula sa probinsiya.
Ang isang traffic enforcer, sinabing lumala ang bigat ng daloy ng trapiko sa NLEX dahil sa mga pumapalyang RFID reading machines.
“Minsan may mabagal magbasa, minsan nag-e-error, hindi binabasa ‘yung RFID,” anang enforcer.
Kapag hindi binasa ng makina ang RFID, napipilitang ang driver na umatras sa toll gate at lumipat sa ibang toll lane.
Tiniyak naman ng TRB na tinutugunan nila ang problema.
“Number one, tinaas po nila ang reading range to 10 meters. Number two, naglagay sila ng tinatawag na device na puwede ninyong i-tap ‘yung inyong card nang sa gano’n, mabasa. Hindi na ninyo kailangan pang umatras,” ani Corpuz.
“Number three, meron po dapat RFID assistance personnel na may hawak na handheld reader para mabasa ‘yung sticker ninyo,” patuloy niya.
Ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), ang namamahala sa RFID para sa NLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Manila-Cavite Expressway (CAVITEx), C5 Link, at Cavite-Laguna Expressway (CALAx).
Tinatayang nasa mahigit 700,000 sasakyan pa umano ang hindi nakakabitan ng RFID.--FRJ, GMA News