Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na nagkaroon ng pagbabago sa alokasyon ng pondo sa ilang kongresista sa 2021 national budget nang magkaroon ng pagpapalit sa liderato ng Kamara de Representantes noong Oktubre.
"Evidently, noticeable ito na 'yung mga malalapit sa bagong Speaker [Lord Allan Velasco] may mga naka-register na increases at 'yung malalapit sa dating Speaker [Alan Peter Cayetano], 'yun ang naka-experience naman ng reduction. So what else can you conclude?" sabi ni Lacson sa panayam ng ANC nitong Miyerkules.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga tinamaan ng kaltas ay ang sakop ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte, na kaalyado ni Cayetano.
Ang Camarines Sur ay isa sa mga lalawigan na matinding hinagupit ng mga nagdaang bagyo.
"Ang mga nadagdagan 'yung provinces like Albay, Benguet, 'yan 'yung mga... because Benguet ang caretaker congressman—namatay 'yung dating congressman—and the caretaker representative or district representative there is the Appropriations committee chair of the House," paliwanag ng senador.
Si ACT-CIS party-list Representative Eric Go Yap ang pinuno ng House committee on appropriations kahit noong panahon ng liderato ni Cayetano.
Nang mamuno na si Velasco, itinalaga rin niya si Yap na vice chair ng House committee on accounts, ang komite na namamahala naman sa pondo ng Kamara.
Hindi naman umano nagalaw ang P10-bilyon na alokasyon sa infrastructure projects sa Taguig, ang distrito ni Cayetano.
"Pag-submit sa amin ng GAB (general appropriations bill) hindi nagalaw, walang movement 'yung Taguig, probably out of respect or deference to Cong. Alan Peter," ani Lacson.
Para kay Lacson, hindi patas ang alokasyon ng infrastructure funds sa mga distrito ng mga kongresista.
"Makikita natin masyadong malawak, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million," sabi niya.
Una rito, pinabulaanan ni Yap na pinaboran ng liderato na bigyan ng mas malaking pondo ang mga kaalyado ni Velasco.
"Paano naging palakasan? Na kay Speaker Cayetano ako dati, I remained neutral to do my job para hindi ako mabahiran ng pulitika. Hindi ako nakisali sa awayan ng speakership," saad niya.
"Ngayon I'm still the appropriations chair, nakita ni Speaker Velasco yung pagiging neutral ko, nagkaroon ng independence ‘yung House pagdating sa budget," dagdag nita.
Nilinaw din ni Yap na may mga distrito na nagkaroon ng mas malaking alokasyon dahil may mga pambansang proyekto na nasa kanilang lugar, at hindi lang mga residente sa distrito ang makikinabang.—FRJ, GMA News