Ibinasura ng Korte Suprema, na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal (PET), ang mga mosyon nina dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Solicitor General Jose Calida na alisin si Associate Justice Marvic Leonen sa electoral protest sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo noong 2016 elections.
Ang pagbasura sa mosyon nina Marcos at Calida ay kinumpirma Public Information Office ng SC nitong Martes.
Ang mosyon laban kay Leonen ay inihain nina Marcos at Calida dahil sa alegasyon ng dalawa na kinikilingan nito si Robredo, na nakalaban ni Marcos sa vice presidential race noong 2016.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nabigo si Marcos na kombinsihin ang tribunal tungkol sa paniwala niya na hindi patas ang pagdinig sa kaniyang protesta laban kay Robredo.
Noong 2018, ibinasura rin ng PET ang petisyon ni Marcos laban Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, dahil din sa alegasyon ng pagiging hindi umano patas.
Nang panahong iyon, nagbabala ang PET kay Marcos at sa kaniyang mga abogado na "any unfounded and inappropriate accusation made in the future will be dealt with more severely."
CALIDA PINAGPAPALIWANAG
Sa en banc session nitong Martes, inatasan din ng PET si Calida na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-contempt sa ginawang paghahain ng mosyon laban kay Leonen.
Inakusahan din ng OSG na hindi patas si Leonen at inihain ang mosyon sa kaparehong araw na naghain si Marcos.
Hinihinala ng kampo ni Robredo na may sabwatan ang dalawa.
Pero itinanggi ni Marcos na nag-usap sila ni Calida tungkol sa naturang usapin.— FRJ, GMA News