Inihayag ni Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, na lima ang tauhan ng DPWH na nasawi sa landslide sa Ifugao na magsasagawa ng road clearing operation sa lugar dahil sa epekto ng bagyong "Ulysses."

Sa Facebook post ni Villar, nadagdag sa mga pangalan na kaniyang idineklarang bayaning tauhan ng DPWH si Roldan Pigoh.

"There were 5 heroes that died serving our country during DPWH’s response to Typhoon Ulysses: Roldan Pigoh, Joel Ballag Chur-ig, Johnny Duccog, Julius Gulayan, and John Mutug Limoh," anang kalihim.

"Please join us in praying for the eternal repose of their souls. #ulyssesph," dagdag pa niya sa post na makikita ang mga larawan ng limang tauhan na nasawi.

Sina Limoh,31-anyos at Julius Gulayan, 24, ay mga inhenyero ng DPWH, at bahagi ng Quick Response Team.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Villar na magkakasama sina Limoh, Gulayan, Chur-ig, Duccog at Jacob Guinyang, na nagpunta sa Nueva Vizcaya-Ifugao-Mt Province Road, sa Sitio Nabito, Barangay Viewpoint sa Banaue, Ifugao, dahil sa nangyaring landslide at magsagawa ng clearing operation.

Pero dahil bumuhos ang malakas na ulan, sumilong sa isang bahay sina Limoh, Gulayan, Chur-ig, at Duccog, habang pumunta sa kabilang bahagi ng kalsada si Guinyang.

Sa kasamaang palad, muling nagkaroon ng pagguho ng lupa na nakasama ang bahay na kinaroonan ng mga biktima.

Siyam ang lahat ng nasawi sa naturang trahedya.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing tatlo pang biktima ng landslide ang natagpuan kaninang umaga.

May taas umano ng 100 metro ang lalim ng bangin na pinangyarihan ng insidente.

"Siyempre dadaan doon yung mga magde-deliver ng relief goods kaya umpisa pa lang yung naka-preposition na ang assets at mga mission talaga nila, ma-clear kaagad ang roads," sabi ni Villar sa ulat.

"Unfortunately they paid the ultimate price for their service. Nandun talaga sila sa frontlines. Ang laki ng sakripisyo nila," anang kalihim na labis na ikinalungkot ang nangyari.--FRJ, GMA News