Idinepensa ng National Irrigation Administration (NIA) nitong Lunes ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam mula noong nakaraang linggo dahil sa matinding ulan na idinulot ng bagyong "Ulysses."
Ayon kay NIA Administrator Ricardo Visaya, mas malaking trahediya ang naghihintay kung mabibiyak ang dam dahil sa dami ng tubig.
"Ang laki ng ating reservoir ng Magat [Dam] is about 4,800 hectares. 'Pag ito ang na-break, lumampas sa spilling level na 193 meters above mean sea level, mag-spill po 'yan. Masisira po 'yan at milyon-milyon po na tao ang maaapektuhan," paliwanag ni Visaya sa panayam ng GMA News "Unang Hirit."
Ginawa ng opisyal ang paliwanag sa harap ng tinatanggap na kritisismo ng pamunuan ng dam na sila ang sinisisi sa nangyaring matinding pagbaha na naranasan ng Cagayan at Isabela.
Sa isang pagkakataon noong November 12, pitong gate ng dam ang binuksan para magbawas ng tubig na ang dami ay katumbas ng dalawang swimming pool bawat segundo.
"Meron tayo mine-maintain na safety level. It should be below 193 meters above mean sea level. Kung ano dapat ang inflow should also be the outflow," paliwanag ni Visaya.
Dagdag ng opisyal, walong daanan ang pinanggalingan ng tubig na napupunta sa Magat Dam na mula sa Ifugao at Nueva Vizcaya. Kaya kahit hindi umano direktang tumama si "Ulysses" sa dam, patuloy na tataas ang tubig sa lugar.
"Ang Magat reservoir natin doon pumupunta ang walong tributaries. Doon sa Ifugao, mga tatlong rivers, at saka Nueva Vizcaya, lima 'yan. Hindi natin ma-control 'yan. Kaya inuunti-unti natin 'yung pagpapalabas ng tubig," pahayag ni Visaya.
"However, noong November 12, hindi nag-landfall 'yan sa Isabela ang Ulysses, but ang daming tubig na pumapasok sa Magat Dam. So anong gagawin natin diyan? So sinusunod natin 'yung protocol," patuloy niya.
Batay sa protocol, sinabi ng opisyal na naghintay ang NIA ng abiso mula sa PAGASA bago nagpakawala ng tubig ang dam.
"Hindi kami makapagpalabas without the advice ng PAGASA. Actually, sa mga pre-releases, na-advisan kami ng PAGASA na nasa preemptive stage na at kailangan nang magpakawala," sabi ni Visaya.
Idinagdag niya na naglabas din sila ng abiso sa mga maapektuhang lugar bago magpakawala ng tubig.
"Bago ma-release naman niyan [tubig], lahat ng medium of dissemination, gaya ng radio, even email, telepono, siren sa mga malalapit na lugar ay ginagamit para maimpormahan lahat ng tao," giit niya.
"Ang pagre-release ng tubig, kung anong amount 'yan, diyan sinasabi lahat sa notice. At ang pinaka-minimum na oras para mabigyan ang mga tao na nakatira sa along sa mga riverways o sa irrigation canals namin ay mga minimum of six hours," patuloy ng opisyal.
Nagpalabas din umano sila ng anunsiyo sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices.
"Ang ating dam division sa Magat Dam ay lahat ng mga mediums for dissemination ay ginagamit. Hindi po namin kaya na bawat bahay. Kaya dini-disseminate natin sa PDRRMC na magpupunta po lahat sa mga kabahayan. Sila mismo ang pumupunta sa mga kabahayan. Local government na 'yon," saad ni Visaya.
Gayunman, ilang residente na naapektuhan ng pagbaha sa Cagayan ang nais na magsampa ng reklamo laban sa pamunuan ng Magat dam.
Ayon kay Visaya, "very complex" ang sitwasyon sa Cagayan.
"Ito sa Cagayan, it's a very complex situation dahil meron tayong 20 river tributaries diyan at isa lang ang Magat Dam. Palaging nabe-blame ang Magat Dam. 'Yung ating Magat River Irrigation System ang mayroong gadgets at instruments na nagbibigay ng data. All other 19 rivers na 'yan na galing sa Mt. Province, Kalinga, Ifugao, Nueva Vizcaya, ang dami niyan, walang ano 'yan, hindi natin name-measure 'yan," paliwanag niya.
Bukod dito, sinabi ni Visaya na masyado nang "silted" ang Cagayan River.
"Nakikita natin na 'yung Cagayan River ay heavily silted na. Makita niyo, 'yung tubig na lumalabas diyan, brown na," giit niya. "Low-lying talaga kasi 'yan. Catch basin talaga ang Cagayan."--FRJ, GMA News