Nakita na ang mga labi ng dalawang engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsasagawa ng clearing operation sa Ifugao pero nabiktima ng pagguho ng lupa na dulot ng pag-ulan ng bagyong "Ulysses."
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, sinabi ni Secretary Mark Villar na nakita at kinilala ng mga kaanak ang mga labi nina John Limoh,31-anyos at Julius Gulayan, 24.
Nauna nang nakita ang mga labi nina Joel Chur-ig at John Duclog, na mga tauhan din ng DPWH.
Ayon kay Villar, papunta na sa lugar na isasagawa ang clearing operation sa Nueva Vizcaya-Ifugao-Mt Province Road, sa Sitio Nabito, Barangay Viewpoint, Banaue, Ifugao, upang tingnan ang mga ipinadalang gamit nang muling magkaroon ng landslide at matabunan ang apat.
Labis na ikinalungkot ng kalihim ang nangyari at tinawag niyang mga bayani ang mga tauhan na nasawi na inialay ang buhay para magsilbi sa bayan.
Sa social media post ni Anna Mae Yu Lamentillo, committee chairperson ng Build, Build, Build program ng DPWH, nito lang nakaraang Hunyo naging regular na kawani ng DPWH ang 24-anyos na si Gulayan para sa Build Build Build program.
Samantala, naulila naman ni Limoh ang kaniyang maybahay at dalawang batang anak.
Ayon kay Villar, bago pa tumama ang bagyo, bahagi ng kanilang protocol sa DPWH ang paghahanda ng mga kagamitan at mga tauhan na magsasagawa ng clearing operation sa mga daanan na maapektuhan ng kalamidad.
"Nakalulungkot na nagkaroon kami ng casualty," anang kalihim.--FRJ, GMA News