Magkasunod na dagok sa buhay ang sinapit ng isang residente ng Marikina City, dahil bukod sa nasunugan na siya ay binaha rin ang kanilang bahay dahil sa Bagyong Ulysses.
Isa si Mario Morfe, na isang sorbetero, sa mahigit 2,000 evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa H Bautista Elementary School
"Mahirap po sir, kahit dito sa evacuation mahirap eh kasi maraming tao hindi ka makatulog ng maayos," ani Mang Mario sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kabuuan, 3,211 pamilya ang nasa iba't ibang paaralan sa Marikina na nagsisilbing evacuation centers.
Patuloy naman ang clearing operations sa mga apektadong lugar. --KBK, GMA News