Planong kasuhan ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang pamunuan ng Angat Dam dahil sa kapabayaan umano nang hindi sila abisuhan na magpapakawala ng tubig noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Ulysses."
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng lokal na opisyal na ang 18 metrong taas ng tubig mula sa bagyong Ulysses ang kanilang pinaghadaan. Pero hindi raw nila inasahan na magpapakawala rin ng tubig ang Angat Dam na nagpaakyat sa tubig ng 22 metro, mas mataas sa 21.5 metro na idinulot ng bagyong Ondoy noong 2009.
Dahil dito, sinabi ng galit na si Teodoro na kakasuhan nila ang pamunuan ng dam dahil sa kapabayaan.
“We have declared the whole city under state of calamity dahil lang sa kapabayaan na ‘yan,” anang alkalde.
Ayon pa kay Teodoro, aabot sa 10 bilyon ang pinsala sa pampublikong empraestruktura at P30 bilyon naman sa negosyo.
Sinabi naman ng National Power Corporation na bahagi ng protocol na apat na oras bago ang pagpapakawala ng tubig sa dam ay dapat abisuhan ang mga apektadong lokal na pamahalaan.
Idinagdag ng NAPOCOR na hindi kasama sa inabisuhan ang Marikina City government dahil hindi kasama ang lungsod sa mga lugar na nasa listahan ng mga lugar na pupuntahan ng tubig ng Angat.
Pero giit ni Teodoro, ang mga tubig na pinapakawalan sa Angat Dam ay nakakonekta pa rin sa mga daluyan ng Marikina River.
Dahil sa nangyaring pagbaha sa Marikina, maraming bahay ang nalubog sa tubig at naging pahirapan ang paglikas sa mga tao.--FRJ, GMA News