Tinawag ni presidential spokesperson Harry Roque na "kalokohan lang ng oposisyon" ang muling pag-trending ng #NasaanAngPangulo, kaugnay sa paghahanap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtama ng bagyong "Ulysses."
Sa press briefing nitong Biyernes, iginiit ni Roque na mayroon nang modernong teknolohiya para masubaybayan ng pangulo ang mga mangyayari sa bansa at mag-atas sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
"Hindi po dapat tanungin 'Nasaan ang Pangulo' -- 'yan po ay kalokohan lang ng oposisyon. Ang presidente po ay hindi nawawala, palagi po natin siyang kapiling, palagi po niyang iniisip ang kapakanan ng ating mga kababayan," giit ni Roque.
Sinabi pa ng opisyal na mas mababa ang bilang ng mga nasasawi sa mga nangyayaring kalamidad ngayon kumpara sa mga nagdaang administrasyon.
Gayunman, nais umano ng gobyerno na pag-ibayuhin pa ang paghahanda sa kalamidad para walang buhay na masayang.
Nitong Huwebes, naging trending topic ang #NasaanAngPangulo matapos na bayuhin ni "Ulysses" ang malaking bahagi ng Luzon.
Sa nabanggit din na araw, nagbigay ng pahayag sa publiko si Duterte at ipinaliwanag na kadadalo lang niya sa virtual forum ng Association of Southeast Asian Nations' (ASEAN).
Tiniyak din niya na nakahanda ang pamahalaan na tulungan ang mga nasalanta ng bagyo, at nagsagawa pa ng aerial inspection.
Kamakailan lang, nag-trending din ang #NasaanAngPangulo nang hindi makasama si Duterte sa televised press briefing sa paghahanda ng pamahalaan sa Super Typhoon Rolly bago nanalasa sa Bicol region.
Ayon kay Roque, naging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan nang tumama ang bagyong "Ulysses," bagaman sadyang malubha ang baha na idinulot nito.
"Gaya ng narinig niyo po, mabilis po ang naging response ng government. Unfortunately di po natin magagawan ng paraan ang masyadong mabilis na pagtaas ng tubig," paliwanag niya.
Aminado naman siya na hindi naging agaran ang mga pagsagip sa mga naipit sa baha.
"Meron pong mga nag-antay, pero unfortunately hindi naman po instant talaga yung ating pag-rescue sa kanila, pero hindi naman po gaanong katagal ang kanilang pag-aantay at ang importante po eh na-rescue po lahat ng kinakailangan na matulungan," pahayag pa ni Roque. --FRJ, GMA News