Nag-iwan ng 39 na patay at 22 iba pa ang nawawala ang bagyong si "Ulysses," na inihalintulad ng marami sa bagyong "Ondoy" na nanalasa sa Luzon noong 2009.
Ang naturang bilang ng mga nasawi at nawawala ay nagmula sa militar na kabilang sa mga nagsasagawa ng search, rescue and retrieval operations sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Pero sa press briefing nitong Biyernes, nagbigay naman ng magkakaibang bilang ng mga biktima ang mga ilang opisyal.
Si presidential spokesperson Harry Roque, sinabing 14 lang ang nasawi na umano'y batay sa local government units.
"Kaya lang po nagkakaiba-iba ang casualty figures dahil subject ito to local government confirmation," paliwanag niya.
Sinabi naman ni Armed Forces chief General Gilbert Gapay na 39 bangkay na ang nakuha ng search, rescue, and retrieval (SRR) cluster. Ngunit ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, kailangan pa itong beripikahin.
"Yung reported recovery of cadavers, we still have to verify kasi baka yung iba diyan hindi naman typhoon-related [ang ikinamatay]," ayon kay Año sa naturang briefing.
Inihayag din ni Año na 14 lang ang bilang ng nasawi batay sa kanilang tala.
Ayon kay Gapay, sa 39 na bangkay, walo ang nakuha ng Armed Forces of the Philippines sa Bicol, Calabarzon at Zambales. Samantalang ang Bureau of Fire Protection (BFP), nakakuha ng tatlong bangkay sa Dasmarinas, Cavite, at isa sa Bicol, at isa sa Ifugao, Benguet.
Kasama sa 39 na bangkay ang 26 na katawan na nakuha ng Philippine National Police mula sa anim na rehiyon, kabilang sa Metro Manila.
Samantala, mayroong 40 katao ang nasaktan at 22 pa ang nawawala, batay sa tala ng SRR cluster.
Sinabi rin ni Gapay na nakapagligtas ang mga sundalo ng 2,716 katao sa National Capital Region, Rizal at Bicol region. Naisalba rin ang 11 kataong sugatan.
"So all in all, our search, rescue (and) retrieval cluster saved 138,272 individuals," anang opisyal.
Si "Ulysses" ang ika-walong bagyo na tumama sa Pilipinas sa nakalipas lang na dalawang buwan, at ika-21 bagyo ngayong taon.
Sa lakas ng kaniyang ulat at hangin, maraming kabahayan at mga lansangan at taniman ang nalubog sa baha.--FRJ, GMA News