Nasawi ang isang traffic enforcer noong Martes matapos siyang mahagip ng bus habang tinutulungan ang isang nakatatandang commuter na tumawid sa EDSA.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa “24 Oras” nitong Miyerkules, ginagabayan ni Field Enforcer George Banez sa bandang North EDSA ang isang senior citizen nang mahagip siya ng bus ng Joanna Jesh Transport.
Sinubukan ng mga first responder na buhayin ang biktima bago ito itakbo sa ospital, ngunit pumanaw din siya kalaunan.
Hindi naman nasaktan ang nakatatandang commuter na tinulungan ni Banez.
Tinakbuhan lamang ng drayber ng bus na kinilalang si Nolan De Villa ang nahagip na traffic enforcer.
Ayon sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT), sumuko na ang suspek sa awtoridad.
Haharap ang Joanna Jesh Transport sa isang imbestigasyon sa Nobyembre 27.
Pinasuspinde naman ng 90 araw ang lisensya ni De Villa.
“For IACT’s part, we have already sent a letter to LTFRB, to Chairman [Martin] Delgra asking na masuspinde ang fleet ng Joanna Jesh because of this accident,” ani ni IACT legal officer Atty. Roberto Carpella.
Bagong pasok lamang na enforcer ang biktima na naka-job order sa IACT.
Mayroong accident and death insurance si Banez mula sa ahensya.
“Aside from that, we will be extending whatever legal assistance para ma-obtain ‘yung possible filing ng civil and criminal cases against the erring bus driver and ‘yung employer niya,” ayon kay Carpella.
Dagdag pa nito, ang Joanna Jesh Transport ay direktang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima.
“Pagka kasi ‘yung family ay nag-execute na ng quit claim, in as much as we want to pursue this criminally, baka mahirapan na kami,” ani ni Carpella.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunin ang panig ng Joanna Jesh Transport. -Julia Mari Ornedo/NB, GMA News