Tinanggal bilang Deputy Speaker ang kilalang kaalyado ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, na si si Camarines Sur Representative Luis Raymund Villafuerte. Ang ipinalit sa kaniyang puwesto, ang kongresita na dating inalis sa naturang posisyon din.
Sa pag-upo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang kapalit ni Cayetano na bagong Speaker, inalis naman sa puwesto bilang deputy speaker si Villafuerte, ay ipinalit si 1-PACMAN party-list Rep. Mikee Romero.
Ilang linggo pa lang ang nakalilipas habang mainit ang banggaan nina Cayetano at Velasco, inalis sa posisyon bilang deputy speaker si Romero, at ipinalit sa kaniya si Capiz Rep. Fredenil Castro.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Villafuerte kaugnay sa pagkakasibak niya sa puwesto.
Samantala, humalili naman si Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon, kaalyado rin ni Velasco, bilang senior deputy speaker.
Pinalitan ni Leanchon sa puwesto si Davao City Rep. Paolo Duterte, na itinalagang chairman ng House committee on account, ang komite na humahawak sa pondo ng Kamara de Representantes.
Kasabay nito, sa mosyon ni DIWA party-list Representative Michael Aglipay, na inaprubahan ng mga kongresista, inalis sa House records ang talumpati ni Castro noong September 22, na bumabatikos sa mga kaalyado ni Velasco.
Sa kaniyang Facebook Live video nitong Miyerkules, binanggit ni Cayetano ang salitang "word of honor" dahil may mga mambabatas umanong nais alisin sa puwesto ang mga kongresistang sumusuporta sa kaniya.
"There are now some of your people na gustong mang-bengga, talking to some of our people na magpalit na lang, umalis na lang, pati kwarto kinukuha," aniya.
"Let’s not do that, let’s all focus sa budget and as I promised you, kahit tingnan ninyo yung text ko sa ating mga tagasuporta, 'Please support the new leadership, please get the budget passed,'" dagdag ni Cayetano. — FRJ, GMA News