Inihayag ni Public Works Secretary Mark Villar na magagamit na ng mga motorista ang Metro Manila Skyway Stage 3, na nag-uugnay sa north at south expressway bago matapos ang taon.
LOOK: Skyway Stage 3 project, tapos na; biyahe sa SLEx patungong NLEx, 20 minuto na lang
"End to end, the whole Skyway is complete—substantially completed. At this point, we're just working on the safety asphalt, we're working with our concessionaire San Miguel," pahayag ni Villar sa Senate hearing ng P666.47 bilyong panukalang budget ng DPWH sa 2021.
"Definitely, before the end of the year we can expect that it will be open. Very soon, we'll all be able to enjoy the connection from NLEX and SLEX," dagdag niya sa mga senador.
Posibleng sa Disyembre umano ang pinakamaagang pagbubukas sa naturang skyway.
Nitong Lunes, inanunsyo ng San Miguel Corporation at maging si Villar, na natapos na ang konstruksiyon ng 17.93-kilometer Skyway Stage 3 project nitong weekend.
Mas maaga umano itong natapos kaysa sa orihinal na target schedule na October 31.
Dahil sa Skyway Stage 3, ang biyahe umano sa SLEX patungong NLEX ay tatagal na lang ng 20 minuto, kaysa sa kasalukuyang tatlong oras.
Ang biyahe naman na Magallanes to Balintawak ay maging 15 minuto, ang Balintawak to Ninoy Aquino International Airport ay magiging 15 minuto, at ang Valenzuela to Makati ay 10 minuto na lang.
Gayunman, patuloy pa umanong ginagawa ang Connector Road.
"The Skyway we'll be able to use this year, the Connector probably before the end of the term... Perhaps in a year and a half maybe we'll be able to utilize a significant portion of it," ayon kay Villar.
Sabi pa ng kalihim, malaking tulong ang naturang Skyway project para mabawasan ang mga sasakyang dumadaan sa EDSA.— FRJ, GMA News