Huling-huli sa CCTV camera ang tahimik na pagpasok ng isang lalaki sa maliit na butas sa isang construction site sa Quiapo, Maynila kung saan natangay niya ang ilang cellphone at pera ng mga natutulog na manggagawa.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang suspek na kunwari pang umiihi lang sa gilid ng ginagawang gusali.

Maya-maya lang, lumusot na siya sa maliit na siwang upang makapasok sa construction area.

Mga cellphone at pera ng mga natutulog na manggagawa na ipadadala sana sa kani-kanilang pamilya ang nakuha ng salarin.

Nahagip rin sa CCTV na may kasabwat na babae ang suspek na nagsilbi niyang lookout.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip kinalaunan ang salarin na kinilalang si Ronald Amaleda, 25-anyos, at ang kinakasama niyang babae.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, menor de edad pa lang noon si Amaleda ay sakit na ito ng ulo sa kanilang barangay at labas-pasok na rin sa kulungan.

Bagaman dalawang beses nang pinagnakawan ang construction site, iginiit ni Amaleda na isang beses pa lang niyang ginawa ang pagnanakaw.

Nakakulong na ngayon ang dalawa at nahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA News